Breaking News

Latest Activities

Reviews

pEDo

"Pag-ibig? Sarado na ang pintua't mga bintana ng puso ko sa bagay na iyan! Pagsusunog muna ng kilay, bago ang pagbabaga ng puso." Ewan, mga katagang bigla na lamang naibubulalas ng utak sa murang isip. Mga bagay na walang kasigurohan!

Image from NoRhymeOrReason
Nagtapos sya ng haiskul, mag-iikatlong taon na ang nakakaraan. Mag-iikatlong taong paglipas ng una nyang kasawian. Kasawiang hindi nya inakalang hahantong sa tatlong araw na 'di nya pagkain at tatlong araw na wala sa katinuan ng pag-iisip. Hindi sya nasiraan ng ulo, subalit, nasira ang kanyang mithiin, mithiing magkaroon ng unang pag-ibig. Pag-ibig na magbibigay sa kanya ng kasiyahan. Kasiyahan na pagmumulan ng inspirasyon. Inspirasyong maipagmamalaki.

Mahina ang loob nya noon e! Kapitbahay nya lang 'yung babae. Madalas nyang nakikita kapag nagsasampay ng nilabhang damit. Nakikita nya tuwing pumapasok, tuwing bumibili sa tindahan ni Tomboy, tuwing namamasyal sa kabilang barangay. Kulang na lang makita nya kung paano matulog at maligo. Pero ni minsan, hindi sila nagkakilanlan ng maayos. Hindi nya rin nakakausap. Nalaman nya lang ang pangalan sa pamamagitan ng pagtatanong, pag-eespiya sa mga batang may koneksyon sa kanya. Taga Pampanga, nag-aaral sa isang pribadong paaralan sa Baguio rin, magtatapos na ring tulad nya. Katamtaman ang taas, maganda, makinis ang kutis, maputi, masarap..... magluto. Ito ang mga katangian nung babae na mahirap maihalintulad sa kanya. Taga Baguio, nag-aaral sa pang-publikong paaralan, medyo maliit, medyo guwapo, medyo makinis ang hita, medyo maitim, medyo masarap..... magpatawa!

Sulat? Bulaklak? Ah, oo! Nagbibigay rin sya, pero hindi niya ibinibigay ng personal. Naghihintay sya sa gabi. Kapag tulog na ang karamihan, saka nya ihuhulog sa bintana ng bahay nila ang nobelita nyang liham, o kaya naman, iiwanan nya sa pinto ang rosas na may kalakip pang mensahe. Lagpas-taingang ngingiti. Sabay kakaripas ng takbo pauwi at hingal na magtatago sa may garahe. Mag-katapat lang ang kanilang tinitirhan. Maraming beses niyang ginagawa iyon. Maraming beses din siyang naghihintay sa sagot ng kanyang mga nobelita. Unti-unti ring daw mahuhulog ang loob niya sa kanya. Ganoon siya kabilib sa sarili at sa mga ginagawa niya.

Tuwing hapon ng sabado, naghihintay naman siya sa kanyang paglabas upang i-sampay ang nilabahang damit, naghihintay siya hindi para makausap, kundi para magpakitang-gilas. Nag-eeksebisyon sa pagbabasketbol. Hindi niya naman maabot ang ring, dahil maliit nga siya. Tsambahan lang kung maka-buslo ng bola.

Image from dragan
Pagsapit naman ng alas diyes-y-meja ng gabi, may tangan na siyang bulaklak, hindi niya binili, kundi kinuha niya mula sa katatapos na resepsyon ng kasal sa pinapasukan niyang "summer-job". Iiwanan niya ito sa may pinto at kakaripas na naman ng takbo pa-uwi. Siyempre, lagpas-tainga na naman ang ngiti niya. Natutulog siyang nakangiti. Gigising sa umaga na nakangiti pa rin, lalo na kung nakikita niya ang mala-diwatang niyang kaanyuan. Naks, naman!

Pero, lahat ng kabaliwan niya'y nagtapos rin. Nakatanggap siya ng liham mula sa kanya e! Abot-noo naman ang ngiti niya ngayon. Hindi mo na mahahalatang may mata pa siya. Ate ng kinababaliwan niya ang nag-abot sa kanya ng nasabing liham na para sa kanya. Nahihiya rin ata ang babae, kaya pinatawid-tulay na lang din ang sulat niya. Laking pasasalamat naman ng tanga!

Bago niya binasa ang sulat, inamoy-amoy niya muna ang munting papel, nilanghap, amoy mamahalin ang papel na pinilas sa kuwaderno. Nilapat pa niya ang nakatupi pa ring papel sa kanyang dibdib, pinakiramdaman sandali ang pintig ng puso. Iba ngayon ang nararamdaman niyang pagpitik ng kanyang dibdib. Hindi na talaga siya makapaghintay. Dali-daling binuklat ang papel na muntikan pang mapunit dahil sa kanyang pagmamadali. Pumikit sandali... dumilat. Nanlaki nag mata niya. Una niyang nabasa ang kanyang alyas na siya niya ring ginamit sa mga ibinigay niyang sulat.

Paliit nang paliit ang ngiti ng kanyang labi... unti-unti'y nawawala ang hugis ng bilog niyang mukha. Unti-unting lumalabas ang mumunting butil ng tubig sa kanyang mga mata. Maaaninag ang namumuong kalungkutan at pagdadalamhati ng kanyang damdamin. Nabasa ang munting papel sa patak ng kanyang luha. Nagkamali siya ng inaasahan. Gusto niyang magwala, gusto niyang sumigaw, gusto niyang tumalon sa kanyang kinatatayuan, gusto niyang malunod sa hangin, gusto niyang sumisid sa ilalim ng lupa, gusto niyang... Ah, ewan! Marami siyang gusto. Puro kabaliwan.

Ika-sampu na naman ng gabi. Dalawang araw na ang nakalipas mula nang matanggap niya ang masaklap na kasagutan mula sa kanyang kinababaliwan. Nag-iwan na naman siya ng sulat sa bahay nila. Mas mahaba ngayon. Mas makapal. Kalakip pa ang isang tula. Ang kauna-unahang tula na kanyang naisulat. Tula na mula sa kanyang pagpapantasya. Pantasya na kasama ang iniibig niyang babae. Babae na nagbigay sa kanya ng kabiguan. Kabiguang gumising sa natutulog na niyang isipan. At kabiguang nagpaluha sa damdaming nakapikit sa katotohanan.

Lumipas ang ilang araw, manhid na ang puso niya, hindi sa sakit, kundi sa mga katok ng pagkakataon. Pagkakataong maaari na naman siyang mabaliw. Mabaliw sa mga babae. Babae na kanya ng iniiwasan. Halata sa kanyang pagkilos. Bihira siyang lumingon habang naglalakad. Hindi niya nililingon ang nasasalubong na mga dilag. Malayo ang tingin ng malamlam niyang mata.
"Pagsusunog muna ng kilay bago ang pagbabaga ng puso."

4 comments:

  1. Kung hindi sa "medyo gwapo" na description mo, iisipin ko na talaga na ikaw yang sinasalaysay mo, ha ha ha..

    ReplyDelete
  2. Iyan lang ang sagot mo? "bwahahaha!"?

    Define LOVE?

    ReplyDelete
  3. Love - is something that you give away despite all the odds and impossibilities! lol! :p

    ReplyDelete

Share a space of your lane...

Enter your e-mail to receive updates from RunningAtom

Subscribe to RunningAtom

Fitness

Health

The Other Side of my Cerebro

Poetry

Short Story

Technology

Contact Form

Name

Email *

Message *

Designed By Blogger Templates